ONE THING GOD TAUGHT ME ABOUT PUTTING GOD FIRST

ツ Wesley Bacate

Sunday Message Takeaways | Luke 19:1–10



Minsan sinasabi natin na mahalaga sa atin ang Diyos. Pero kung titingnan ang schedule natin, makikita kaya roon na Siya talaga ang inuuna natin?

May oras tayo para sa trabaho, negosyo, pamilya, kaibigan, at iba pang bagay na gusto nating gawin. Kapag mahalaga sa atin ang isang tao o bagay, naghahanap tayo ng paraan para mabigyan ito ng oras. Pero bakit minsan, kapag tungkol na sa Diyos, parang ang dami nating dahilan?

Luke 19:5–6 (MBBTAG)

“Nang makarating si Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, ‘Zaqueo, bumaba ka agad! Sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.’ Nagmamadali siyang bumaba at masayang tinanggap si Jesus.”

Sa kuwento ni Zaqueo, makikita natin ang isang lalaking gustong makita si Jesus. Kahit marami siyang hadlang, nagsikap siyang makalapit at makita Siya. Pero may isang magandang bahagi sa kuwento: hindi lang si Zaqueo ang naghahanap kay Jesus. Si Jesus mismo ang huminto, tumingala, tinawag siya sa pangalan, at nagpahayag na nais Niyang tumuloy sa bahay nito.

At ano ang naging tugon ni Zaqueo? Nagmamadali siyang bumaba at masayang tinanggap si Jesus.

Notice, hindi lang basta nakita ni Zaqueo si Jesus. Binuksan niya ang kanyang tahanan at tinanggap Siya sa kanyang buhay. At nang mangyari iyon, nagsimulang magbago ang kanyang mga desisyon at pamumuhay.

May isang simpleng halimbawa rito. Isipin mo ang isang mag-asawa. Hindi sapat na sabihin ng isang asawa na mahal niya ang kanyang kabiyak kung wala naman siyang panahon para rito. Puwede niyang sabihin araw-araw na mahal niya ito, pero kung laging ibang bagay ang inuuna niya, makikita sa kanyang mga desisyon kung ano talaga ang mahalaga sa kanya.

Ganoon din sa relasyon natin sa Diyos. Hindi sapat na sabihin nating mahal natin Siya kung hindi naman nakikita sa ating mga commitment at priorities.

Remember, ang relasyon ay nangangailangan ng commitment. Kung mahalaga sa atin ang Panginoon, dapat makita iyon sa paraan ng pagbibigay natin ng panahon sa Kanya, sa ating pagsamba, sa pakikinig sa Kanyang Salita, at sa pagsunod sa Kanyang kalooban.

Kaya ang pagsamba tuwing Linggo ay hindi dapat ituring na isang option lang kapag wala tayong ibang lakad. Hindi ito tira-tirang oras na ibinibigay natin sa Diyos. Gawin natin itong mahalagang bahagi ng ating commitment sa Kanya.

Hindi ibig sabihin na wala nang ibang mahalagang responsibilidad sa buhay. May trabaho, pamilya, at iba pang tungkulin tayo. Pero hindi dapat maagawan ng mga ito ang Diyos ng lugar na nararapat sa Kanya.

Kaya tanungin natin ang sarili natin: Kung si Jesus talaga ang una sa buhay ko, nakikita ba iyon sa paraan ng paggamit ko ng aking oras at sa mga desisyon ko?

Remember, putting God first is not just about saying that He is important. It is about showing it through our commitment.

Huwag nating ibigay sa Diyos ang natitirang oras lang natin. Ibigay natin sa Kanya ang lugar na nararapat sa Kanya—FIRST PLACE.


Ikaw, ano ang tumatak sa iyo sa message last sunday? share sa comments box.


Comments

Popular Posts